Binilang ko- halos anim na taon na pala. Anim na taon na akong nag-iisip, anim na taon na akong nagtatanong... anim na taon na akong nagwi-wish na sana bumalik nalang ang panahon dun sa punto na meron pa akong pagkakataong ibahin ang istorya ng buhay ko. Kaya lang, wala na ring kwenta pang isumbat sa sarili ko kung bakit ko pinabayaan yun mangyari, kasi marami rin namang magandang ibinigay yun sa akin na hindi ko kelanman papangarapin na mawala kasama nung mga bagay na gusto kong kalimutan...
Saan kaya ako kung hindi yun ang naging desisyon ko? Mas magiging masaya kaya ako? Puwede rin namang lalo lang akong magsisisi... Gaano kaya ang limit ng puwedeng pagsisihan ng isang tao-- yung kapag ganun karami yung pinagsisihan nya at mababago nya eh andun na sya sa perfect situation na gusto nya? Wala siguro. Walang limit. Kahit pagsisihan nya pa pati ang araw na pinanganak sya, hindi pa rin mababago na ang buhay eh talagang ganito-- hindi mauubos ang mga bagay na pagsisisihan nya...
Ang nakakatuwa lang, kahit pagsisihan mo ang bawat segundo ng buhay, andito ka pa rin sa moment na ito, tinutuloy mo pa rin yung istorya na pinagsisisihan mo-- sinisikap mo na mabago paunti-unti... sinusubukan mong gumaan yung bigat hanggang tuluyan mo na makalimutan at tawanan nalang pagdating ng panahon. Nakakatuwa na sankaterba man ang pagsisisi mo, nakayanan mong dalhin-- at iniisip mo pa rin na meron pa sigurong panahon na magiging Ok din ang lahat. Tuluy-tuloy ka lang. Walang hintuan. Kung hihinto ka, talo ka.
Anim na taon na akong nagtatanong-- magkahalong pag-iyak, pagsumbat, pagsigaw. Minsan nakikita ko yung mga sagot na gusto ko sa panaginip ko, o sa mga sinasabi ng mga tao na karamihan naman eh hindi naiintindihan yung kwento ng buhay ko-- gusto lang nila ipakita na concerned sila, o mag-pretend na concerned sila. Nakikita ko rin yung mga sagot sa mga taong hindi nagsasalita-- mas marami akong natutunan sa kanila. Ang puno't dulo, andaming pwedeng sagot sa mga tanong ko kung bakit nangyayari yung mga bagay na ayaw ko-- pero anuman ang mga yun-- tuluy-tuloy lang ako-- wala nang lilingon. Wala nang balikan.
Mas masarap siguro kung bibilangin ko nalang yung taon hindi para magtanong o magsisi-- kundi para masukat ko kung gaano ako naging matatag para tumuloy pa sa buhay, at kung gaano ako naging matibay para magbilang pa ng maraming taon na darating. Sigurado akong meron pang mga pangyayari na hindi ko matatanggap bunga ng mga magiging desisyon ko, hindi ko masasabi na hindi na ako magsisisi ulit-- pero tutuloy lang ako, gaya ng ginagawa ko ngayon.
Sarili ko lang ang kasama ko. Walang iwanan.
Saturday, January 16, 2010
Walang Iwanan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comments:
tama ka sis!most of the time even our own shadow leaves us in the dark...which makes us alone...kahit na mga mahal sa buhay..o mga kaibigan...malapit man o malayo...naiiwan tayo sa ere minsan..minsan kailangan pa natin i-extend ang ating mga kamay..para lang malaman nila na nandito lang tayo...but being alone doesn't mean that we are lonely...sometimes we find the answers to our own questions when we are alone..sis..thanks for being a friend...dito lang me...i can be one of those friend that don't have to speak up..yet you will learn something from...
Post a Comment